SCM Music Player

Thursday, April 10, 2014

The Rule Nobody Wants


Alam na alam na natin ito. Kapag sinunod natin ang ipinag-uutos, pagpapalain tayo; at kung hindi naman, mararanasan natin ang consequences na kaakibat ng ating pagsuway. Kahit noong tayo ay mga bata pa lamang, pamilyar na pamilyar na tayo sa reward system. Tinuruan tayong sumunod sa loob ng bahay, sa school, sa church. Pero bakit tila ba gustong-gusto pa rin natin ang sumuway?

Dito sa Pinas, mayroon tayong malalaking sign boards na nagsasabing, "BAWAL TUMAWID. GAMITIN ANG FOOTBRIDGE." na ang hirap-hirap sundin. At kalaunan, ang simpleng sign board na ito'y nag-evolve sa “WALANG TAWIRAN. NAKAMAMATAY” at ngayon ay, "BAWAL TUMAWID. MAY NAMATAY NA DITO."


 At ang ironic dito, dumadami pa rin ang tumatawid. Naisip ko lang, bakit hindi na lang gawing, "HALINA'T TUMAWID AT MAMATAY." ang mga sign boards na ito. Baka sakaling effective. Anong masasabi niyo?

Bakit nga ba ang hirap sumunod? Yung iba, tinatamad lang daw basahin ang instructions. Para sa iba, freedom daw na maituturing ang magawa ang gusto nila, kahit bawal. Ayaw na ayaw natin ang pinagbabawalan, o ang masakop ninuman o ng anuman. "REBOLUSYON!" Ang sabi naman ng iba, "Mas masarap gawin ang ipinagbabawal." Mas cool. Mas may thrill. Mas astig ka kapag sumaway ka at hindi ka nahuli o naparusahan. Kaya naman pati sa pakikipagrelasyon, "against all odds" ang drama. Nakakalungkot man, pati sa pakikipagrelasyon ng mga Cristiano ay usong-uso na din ang pagsuway.


“Do not be yoked together with unbelievers. For what do righteousness and wickedness have in common? Or what fellowship can light have with darkness? 
(2 Corinthians 6:14, NIV)

Sa kanyang unang librong, LOVESTRUCK: Love Mo Siya, Sure Ka Ba?, tinawag ito ni Kuya Ronald Molmisa bilang 6:14 Rule. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagsunod ng mga Cristianong kabataan patungkol sa kautusang ito. Hindi kailanman pinapayagan ng Biblia ang relasyon sa pagitan ng mananampalataya at hindi. “It will surely bring challenges to both persons,” said Kuya Ronald.

Balikan nating saglit ang naunang verse. Ginamit dito ang salitang “yoke”. Ang yoke (o pamatok sa wikang Filipino) ay isang kapirasong kahoy na inilalagay sa batok ng dalawang hayop upang magtulungan na araruhin ang isang palayan. 


Similarly, ang punto ng verses na ito ay “kailangang nasa iisang bangka lang ang [mag-partner]. Hindi puwedeng magkaiba ang direksyon nila sa buhay.”


Binasag din ni Kuya Ronald ang mga depensa ng maraming mga kabataan patungkol sa ganitong setup. Isa na rito ay ang madalas na nating marinig na “Madadala ko rin siya sa Diyos.” Tinawag niya itong “missionary dating” kung saan sinasabi nang mga kabataan na isa raw itong paraan para maka-reach out sa kanila (unbelievers).

“Pero madalas, hindi ang Cristiano ang nakakahatak sa mga hindi mananampalataya kundi sila ang nadadala palayo sa Panginoon.”

Ayon sa author, maliit lang ang posibilidad na magiging tunay na Cristiano ang isang tao dahil lang minamahal mo ito. “Ang pagiging Cristiano ay isang desisyon.” Kaya naman ang payo ni Kuya ay ipanalangin na lamang ang mga ito na mayroong kaibigan of the same sex na siyang magbabahagi ng Salita ng Diyos sa kanya. Sabi pa niya, “Napaka-self-serving kung kayo rin ang magi-evangelize.”

Para naman sa mga ilan na naging Cristiano noong panahon na mayroon na silang BF/GF na unbeliever, ipinapayo ni Kuya Ronald na bigyan ito ng “time to have a personal relationship with the Lord.” At kung wala talaga itong interes, Kuya stressed, “you must make the painful but necessary decision—END the relationship. Mahirap gawin, pero kailangan.”

May iba namang ang depensa ay matino at mabait ang ka-partner kahit pa man ito ay unbeliever. Sagot ni Kuya Ronald, “Hindi usapan dito ang katinuan at kabaitan… Kung talagang matino ang iyong ka-partner, iaalay niya ang buhay niya sa Panginoon.”

Payo ni Kuya Ronald, “Date only the one who shares your beliefs.” Hinamon niya rin ang mga kabataan kung sino ang mas susundin ng mga ito patungkol sa pakikipagrelasyon, “Ang sarili mo, ang BF/GF mo, o ang kalooban ng Diyos?”

Sa pagtatapos ng chapter, itinuro ng author na ang si Lord ang dapat maging priority bago ang iba. Sabi niya, “Hindi natin puwedeng ihiwalay ang lovelife natin sa pananampalataya natin. Our relationships must be surrendered to the lordhip of Christ.”

Itinuro din niya ang LOVE TRIANGLE Principle kung saan si God ang nasa tuktok ng tatsulok at ang babae at lalaki ang nasa magkabilang dulo. Habang pareho silang lumalapit sa Lord, napapalapit din sila sa isa’t-isa. “Partners should have the same focus—to please God in the relationship.”

Balikan natin muli ang signboards. Para saan ba ito ginawa? Para ba mabawasan ang trabaho ng mga kapulisan o ang para sa ating kaligtasan? Katulad ng mga naglalakihang sign boards na ito, intension ng Panginoon na tayo’y maging ligtas. Nilikha ni Lord ang Diyos ang ating mga puso para sa kanyang magandang layunin. At kung tayo ay matututo lamang na sumunod, ay mararanasan natin ang Kanyang biyaya sa ating mga relasyon.

Kapatid, huwag nang matigas ang ulo. BAWAL TUMAWID.